Opisyal na binuksan ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig ang Ika-22 Pagtatapos at Bagong Simula, isang makabuluhang pagdiriwang ng tagumpay, pagpupursige, at pangarap ng mga mag-aaral na matagumpay na nakatapos ng kanilang mga programa sa kolehiyo.
Sa unang araw ng seremonya, nagtapos sa pang-umagang sesyon ang mga mag-aaral ng Bachelor of Science in Hospitality Management, na pinangunahan ng kanilang Graduation Speaker na si Ms. Katrin Joyce De Lara. Sa kanyang mensahe, hinikayat niya ang mga bagong gradweyt na yakapin ang mga hamon ng propesyon nang may kahusayan, malasakit, at dedikasyon sa paglilingkod.
Samantala, sa panghapong sesyon, nagtapos ang mga mag-aaral ng Bachelor of Science in Electronics Engineering, Bachelor of Arts in Psychology, at Bachelor of Science in Nursing. Naging panauhing tagapagsalita si Engr. Angeline Robles, na nagbahagi ng mga aral mula sa kanyang sariling paglalakbay tungo sa tagumpay. Hinamon niya ang mga nagsipagtapos na gamitin ang kanilang talento at kaalaman hindi lamang para sa personal na pag-unlad kundi para rin sa kapakinabangan ng komunidad at ng bansa.
Nagbigay rin ng mga mensahe ng pagbati at inspirasyon sina Pasig City Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Robert “Dodot” Jaworski Jr., at Congressman Roman T. Romulo, na muling nagpatibay ng kanilang suporta sa de-kalidad at inklusibong edukasyon para sa mga kabataang Pasigueño.
Sa kanyang welcome remarks, binigyang-diin ni PLP President Dr. Reggie M. Maningas na ang pagtatapos ay bunga hindi lamang ng pagsisikap ng mga mag-aaral kundi ng sama-samang suporta ng kanilang mga magulang, pamilya, guro, kawani ng pamantasan, at ng lokal na pamahalaan.
Ipinaalala rin niya sa mga nagsipagtapos na ang edukasyon ay may kaakibat na pananagutan—ang gamitin ang kanilang natutuhan upang makapaglingkod sa kapwa at makatulong sa pag-unlad ng lipunan.
“Kung darating ang araw na kayo ay maging matagumpay, sana’y maalala ninyo rin na ang pinakamataas na anyo ng tagumpay ay hindi lamang ang makaahon sa buhay, kundi ang makatulong sa pag-angat ng iba,” ani Dr. Maningas.
Sa temang “Talino, Integridad at Malasakit: Handa sa Hamon ng Panahon,” ipinagdiriwang ng Pamantasan hindi lamang ang pagtatapos ng isang yugto kundi ang pagsisimula ng bagong kabanata sa buhay ng mga gradweyt; mga mamamayang handang harapin ang kinabukasan nang may kakayahan, karakter, at malasakit sa bayan.
Mula sa buong komunidad ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig, taos-puso naming binabati ang lahat ng nagsipagtapos.
Congratulations, Batch 2026!
Patuloy na mangarap, maglingkod, at magtagumpay!
#PLPBatch2026 #PLPGraduation2026 #TalinoIntegridadMalasakit #BagongSimula #ProudPasigueño












