“May School of Law na ang Pamantasan ng Lungsod ng Pasig.”

Pangarap mo bang maging abogado?

Abogadong Pasigueño, ikaw na ba?

Isang makasaysayang hakbang para sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig at sa Lungsod ng Pasig ang pormal na pagsisimula ng pagtatatag ng PLP School of Law — isang law school na itatayo batay sa prinsipyo ng integridad, paglilingkod-bayan, mabuting pamamahala, at transformative justice.

Sa ginanap na Meeting ng PLP Board of Regents noong May 20, 2026, pormal na tinanggap ni Dean Raul C. Pangalangan ang paanyaya ni Pasig City Mayor at Chair ng PLP Board of Regents, Victor Ma. Regis ‘Vico’ Sotto, upang magsilbing Founding Dean ng PLP School of Law.

Si Dean Pangalangan ay dating hukom ng International Criminal Court sa The Hague at dating Dean ng University of the Philippines College of Law. Isa rin siyang Pasigueño mula pa noong dekada ’60. Sa kanyang mensahe, ibinahagi niya ang kanyang pagasa na makatulong sa pagtatatag ng isang law school upang magsisilbing “beacon of hope” sa panahong maraming hamon ang kinakaharap ng bansa.

Makakasama rin niya sa pangunguna ng School of Law sina Atty. Peter John U. Javier bilang incoming Vice Dean for Academics at Atty. Josephine C. Lati-Bagaoisan, Chair ng Technical Working Group para sa pagtatatag ng School of Law, na magsisilbi namang Acting Vice Dean for Administration.

Kapwa taal na Pasigueño sina Atty. Javier at Atty. Lati-Bagaoisan , ipinanganak, lumaki, at hinubog ng Pasig. Ito ay isang mahalagang patunay na ang pangarap na ito ay tunay na nagmumula at nakaugat sa komunidad na nais nitong paglingkuran.

Layunin ng PLP School of Law na mabigyan ng pagkakataon ang mga karapat-dapat na mag-aaral lalo na ang mga Pasigueño at mula sa mga pamilyang nangangailangan na makapag-aral ng abogasya at maging mga abogado na may malasakit, integridad, at tunay na diwa ng paglilingkod sa bayan.

PLP School of Law.

Para sa Pangarap.

Para sa Hustisya.

Para sa Bayan