Nagpatuloy ang pagdiriwang ng tagumpay sa ikalawang araw ng Ika-22 Pagtatapos at Bagong Simula ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP) sa Auditorium ng PLP Main Building.

Sa pang-umagang sesyon, nagtapos ang mga mag-aaral mula sa College of Education, kabilang ang BS Elementary Education, BSED English, BSED Mathematics, BSED Filipino, at completers ng Certificate in Teaching Program (CTP).

Isa sa mga tampok ng seremonya ang mensahe ng isang Magna Cum Laude mula sa College of Education, na nagpaabot ng pasasalamat sa kanyang ina at pamilya sa lahat ng sakripisyong nagbunsod ng kanyang tagumpay, at pangakong darating ang araw na aangat ang kanilang buhay mula sa mga hirap na pinagdaanan.

Naging panauhing tagapagsalita si Dr. Wensley M. Reyes, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng integridad, dedikasyon, at patuloy na pagkatuto sa propesyon ng pagtuturo.

Sa mensahe ni PLP President Dr. Reggie M. Maningas, binigyang-pugay niya ang mga magulang at pamilya ng mga nagsipagtapos:

“Ang pagtatapos na ito ay bunga ng sama-samang paniniwala na ang pangarap ng kabataan ay hindi dapat hadlangan ng kakulangan sa oportunidad. Sa bawat sakripisyo ng mga magulang: mga gabing nag-alala, mga araw na nagtipid, kasama sila sa tagumpay na ito.

Hindi lamang ito pagtatapos ng inyong anak. Tagumpay ninyo rin ito dahil ito rin ang inyong graduation day.”

Binigyang-diin din niya ang paalala sa mga gradweyt:

“Kung darating ang araw na kayo ay maging matagumpay, sana’y maalala ninyo na ang pinakamataas na anyo ng tagumpay ay hindi lamang ang makaahon sa buhay, kundi ang makatulong sa pag-angat ng iba.”

Sa panghapong sesyon, nagtapos naman ang mga mag-aaral mula sa College of Computer Studies, kabilang ang BS Computer Science at BS Information Technology.

Nagbahagi si Mr. Mharlon P. Cancilao ng inspirasyong mensahe tungkol sa paggamit ng teknolohiya para sa makabuluhang pagbabago sa lipunan.

Sa temang “Talino, Integridad at Malasakit: Handa sa Hamon ng Panahon,” muling pinagtibay ng Pamantasan ang misyon nitong humubog ng mga gradweyt na may kahusayan, malasakit, at integridad.

Congratulations, PLP Class of 2026!

Patuloy na mangarap, maglingkod, at magtagumpay!

#PLPBatch2026 #PLPGraduation2026 #TalinoIntegridadMalasakit #BagongSimula #ProudPasigueño